Korni daw ang Wikang Filipino????
ni: John Barry Santos
May ilan na nagsasabi na korni daw ang Wikang Filipino, at nakalulungkot isipin na Filipino din mismo ang karaniwang nagsambit ng katagang ito. Sa mga likhang pangliteratura gaya ng tula, sulatin, maging mga napapanuod sa mga telebisyon at mga akto sa teyatro, mga matandang mga kataga at kasabihan, mga paggamit ng sinasabing malalalim na salita at mga dayalogo ay sinasabi ng ilan na sa sobrang mabulaklak ay nakakawala ng interes ang mga ito. May ilang mapapangiti o di kaya ay biglang ngingisi sa tuwing makakarinig o di kaya ay makababasa ng mga matatalinhagang mga salita at mga pangungusap mula sa ibang indibidwal o mga sulatin dahil ang interpretasyon nila dito ay korni.
Ang mga balagtasan, mga tula at mga salawikain nga ngayon ay karaniwang naririning na lamang sa mga patimpalak at hindi na nagiging malaking bahagi ng pang araw-araw na pamumuhay nating mga Pilipino di gaya ng dati na maging sa paguusap ng mga magkakaibigan sa tambayan o mga pook pang pahingahan ang mga sinasambit ay mga bugtong, salawikain at iba pang paraan ng pakikipagtalastasan na hango sa sariling wika.
Maaring sa isang banda hindi naman talaga korni o wirdo ang wikang Filipino. Patunay lang ito na ang mundo ay patuloy sa pagbabago, mga pangangailangan, mga gawi, at mga pamamaraan. Wika rin naman ay dinamiko din na patuloy na nagbabago. Ang ilan nga’y di na nagagamit sa panahon ngayon at maririning na lamang sa mga patimpalak at kompetisyon.
Marahil ang mga taong nagsasabi na korni ang sarili nilang wika ay ang binabanggit na malansang isda ni Gat Jose Rizal sa kanyang mga kataga, “Ang di marunong magmahal sa sariling wika, ay higit pa sa hayop at malansang isda”. Paano nga ba mahalin ang sariling wika? Sa simpleng paggamit ng sariling wika at pagpapabatid ng mga ideya, opinion at mga paniniwala sa wikang pambansa ay waring ikaw ay isa na ring bayani gaya ni Gat. Jose Rizal at mga kapwa bayani niya. Malaki ang impluwensya ng wikang Filipino sa kung ano ang mayroon tayo sa panahong ito, Ito ay pagpapakita na sa layo ng narating ng wikang pambansa ay basihan kung san tayo paparoon sa hinaharap… Kaya ang wika ay pahalagahan, linangin at ingatan.
0 Comments:
Mag-post ng isang Komento